UP Life

Harry Potter and the Deathly Hallows pt. 2: Movie Review

“Sa lahat ng Harry Potter books na aking isinulat, itong Deathly Hallows ang aking pinakagusto. Gusto ko rin kung paano ko tinapos ang kwento ni Harry Potter”, wika ni J.K. Rowling na aking isinalin sa Tagalog.

 

            Ang “Harry Potter and the Deathly Hallows” ang ika-pito at ang pinakahuling librong isinulat ni J.K. Rowling. Ang lahat ng isinulat ni Rowling ay ipinakita sa madla bilang isang palabas. Kung ako man ang tatanungin, anim sa walong palabas (hinati sa dalawa ang Deathly Hallows) na ito ang aking napanuod. Hindi ako tagasubaybay o tagahanga ng Harry Potter pero nagustuhan ko ito dahil sa taglay nitong kakaibang istorya at sa tila makatotohanang animasyon nito. Ngayon ay aking bibigyan ng kritikal na pagsusuri ang nasabing palabas.

 

          Pinanood ko rin ang unang parte ng Deathly Hallows upang lubusang maintindihan ang mga pangyayari sa kwento. Sa pagkamatay ni Dumbledore ay lalong lumakas si Voldemort at siya na ang nagpatakbo sa Ministry of Magic. Sila Ron, Hermoine at Harry ay umalis ng Hogwarts upang patayin si Voldemort sa pamamagitan ng pagsira sa mga horcruxes. Ang mga horcruxes na aking tinutukoy ay mga bagay na tumutulong kay Voldemort upang maging imortal. Sa unang parte ng palabas ay nakita nila ang isang sa mga horcruxes na tinatawag nilang “Salazar Slytherin’s locket.” Ang tanging paraan lamang para masira ito ay sa pamamagitan ng espada ni Godric Gryffindor. Importante ang espadang nabanggit dahil isa ito sa mga bagay na makakasira sa mga horcruxes. Ang ipinakita na sa ikawalang parte ay nung pinasok nila ang vault ni Bellatrix Lestrange sa Wizarding Bank of Gringotts upang nakawin ang isa pang horcrux na tinatawag nilang “Helga Hufflepuff’s cup.” Nalaman din ni Harry na ang isa pang horcrux na kanilang hinahanap ay nakatago sa Hogwarts. Pinasok nila Ron, Hermoine at Harry ang Hogwarts upang hanapin ang horcrux na “Diadem of Ravenclaw” at sirain ang dalawang horcruxes na ito. Sinalakay ni Voldemort at ng kanyang mga tagasunod ang Hogwarts habang ang mga kakampi ni Harry sa loob ay binigyang proteksyon ang buong paaralan. Habang tinitignan ni Harry ang mga alaala ni Severus Snape, nalaman niyang ginawa siyang horcrux ni Voldemort ng hindi sinasadya. Napatunayan din sa mga alaala ni Snape na tunay ang kanyang katapatan kay Dumbledore at nagsilbi din siyang espiya sa teritoryo ni Voldemort. Nang malaman niya ang lahat ng iyon ay hinarap niya si Voldemort sa kagubatan. Binigyan si Harry ni Voldemort ng Death Curse kaya napunta siya sa estado sa pagitan ng buhay at kamatayan. Doon ay ipinaliwanag sa kanya ni Dumbledore na nung ginamit ni Voldemort ang dugo ni Harry upang manumbalik ang kanyang lakas, binigyan ito ng proteksyon upang hindi siya masaktan ni Voldemort. Nasira ang horcrux sa loob ng katawan ni Harry at nanumbalik siya sa kanyang sarili. Nagpatuloy ang pakikipaglaban ni Harry hanggang sa mapatay ni Neville Longbottom ang huling horcrux, ang alagang ahas ni Voldemort na si Nagini. Tuluyan nang natalo ni Harry si Voldemort at ang mundo ng wizardry ay nagging payapa nang muli.

 

           Nagtapos ang serye labing-siyam na taon na ang nakalipas. Naging mag-asawa si Harry at Ginny, pati na rin sina Ron at Hermoine. Nagkita-kita silang lahat sa King’s Cross Station kung saan ang anak ni Harry na si Albus Severus ay aalis din para sa kanyang unang taon sa wizardry school. Masayang umalis ang mga batang nakasakay sa tren at doon na nagtapos ang kwento ni Harry Potter.

 

        Nagustuhan ko talaga ang huling parte ng seryeng ito dahil dito na ipinakita ang mga sikretong matagal nang itinatago at higit sa lahat ay nagwagi rin ang kabutihan laban sa kasamaan. Naramdaman ko ang bawat hirap na tinahak ni Harry upang makamit lamang ang kalayaan na gusto niyang matamasa. Napagtanto ko rin na umiikot ang buong serye ng Harry Potter sa mahika at kamatayan. Gayunpaman, wala pa ring tatalo sa kabuuang kwento ng seryeng ito. Tinapos ni Rowling ang kwento ng maganda at simple na kung saan ay maaantig ang mga manunuod at mambabasa. Tila ba nung napanuod ko ang epilogo ay nalungkot ako dahil tapos na ang kwento ni Harry. Inirerekomenda ko ang palabas na ito sa madla upang kanilang matunghayan ang pagtatapos ng mga balakid sa buhay ni Harry at ng kanyang mga kaibigan. Sinisigurado kong hindi kayo magsisisi at maiisip niyong sa wakas ay nagtagumpay din si Harry sa ilang taong pakikipagsapalaran niya sa laban sa kasamaan.